Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang paglulunsad sa buong bansa ng School Alert and Rapid Response System na tinawag na B.E.S.T o ang Build Partnership, Early Detection, Swift Alert, at Tactical Response.
Ito ay matapos na ilunsad ang proyekto sa Calabarzon kung saan nasa 155 na mga paaralan ang gagamit para sa pilot testing.
Isa itong proyekto ng Police Regional Office 4A, katuwang ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na nagbibigay-daan sa mabilis na pag-uulat at aksyon tuwing may banta o emergency sa mga paaralan.
Ayon kay PNP Spokesperson Colonel Allen Rae Co, magrerehistro muna ang isang paaralan bago ito magkaroon ng access sa sistema.
Sinabi pa ni Co na pinag-aaralan pa nila kung anong mga paaralan ang dapat bigyan ng access, dahil sa mga posibleng prank call.
Dagdag pa niya hindi ito mag-o-overlap sa umiiral na 911 hotline, sa halip makatutulong aniya ito lalo na sa mga banta ng active shooter.