Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian ng agarang hakbang para mapigilan ang pag-access ng mga bata sa baril, kasunod ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato na ikinamatay ng dalawang estudyante at ikinasugat ng walo.
Sa kanyang privilege speech sa Senado, sinabi ni Gatchalian na kailangang repasuhin ang mga patakaran sa pag-iisyu at pag-iingat ng baril ng mga government personnel.
Ayon sa senador, sa tatlong insidente ng school shooting ngayong taon, ang mga baril na ginamit ay pag-aari ng mga government employee o law enforcement officer.
Sa Banga shooting, sinabi ni Gatchalian na baril ng ama ng suspek, na isang empleyado ng Department of Education, ang ginamit sa insidente.
Nasa loob aniya ng vault ang baril pero hindi pa malinaw kung paano ito nakuha ng estudyante at nadala sa paaralan.
Nanawagan din si Gatchalian na palakasin ang mental health programs sa mga paaralan para sa maagang pagtukoy, intervention at suporta sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong.
Kasabay nito, muling ipinahayag ng Senate President ang suporta sa Comprehensive School Safety Act at Child Online Safety Protection Act bilang bahagi ng mas malawak na hakbang para maprotektahan ang mga kabataan.
Hinimok din niya ang publiko na iwasang magpakalat ng misinformation at mga video ng insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.