Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na nakatakda na nilang ilabas ang kanilang El Niño guidelines bilang isang memorandum order upang mas magabayan ang mga paaralan sa pagharap sa “very strong” El Niño.
Sa panayam ng programang Boses kay DepEd Undersecretary Malcolm Garma ibabase pa rin ang mga suspensiyon ng DepEd sa face-to-face classes depende sa ilalabas na heat index ng PAGASA.
Oras kasi na umabot na sa 42 degree celsius pataas ang temperatura ay otomatiko nang susupendihin ang klase upang makaiwas sa mga heat-related illnesses tulad ng stroke, dehydration, altapresyon, at iba pa.
Binibigyan din ng kapangyarihan ang mga punong-guro na magrekomenda ng suspensiyon sa kanilang mga paaralan kung umabot na sa danger level ang init.
Gayundin kasado na ang ilan pang El Niño mitigation measures ng DepEd tulad ng pagtiyak na sapat na suplay ng tubig, well-ventilated na mga silid-aralan, flexible scheduling ng klase, at pagsusuot ng mas komportableng pananamit.
Sakali mang masuspinde ang klase ay may learning continuity framework pa rin namang ipatutupad ang DepEd tulad ng mga alternative learning modality upang tuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga estudyante kahit na sila ay nasa bahay.
Pinaghahanda na rin ang mga paaralan upang matiyak na may accessible silang drinking water gayundin ay pinayuhan na rin silang mag-ipon ng tubig lalo sa mga panahon na may ulan.