Hinikayat ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito ang Department of Finance (DOF) na magpatupad ng konkretong revenue measures at panatilihin ang fiscal discipline nang hindi isinasakripisyo ang pondo para sa infrastructure at healthcare.
Inihayag ito ni Ejercito sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2027 Budget ng DOF at attached agencies nito, kasunod ng pagtaas ng national debt sa ₱19.39 trillion nitong Hulyo at inaasahang aabot sa ₱P21.48 trillion sa pagtatapos ng 2027.
Iginiit ni Ejercito na kailangang matiyak na hindi makokompromiso ng tumataas na interest payments ang pondo para sa iba pang mahahalagang programa ng pamahalaan.
Ayon naman kay Finance Secretary Frederick Go, umaabot na sa ₱1.1 trillion kada taon ang interest payments ng gobyerno kaya kailangan ng mas mahigpit na disiplina sa paggastos.
Sinabi rin ni Go na nasa tinatayang 58% ng Gross Domestic Product (GDP) ang general government debt, mas mababa sa 70% threshold na binanggit ng World Bank.
Samantala, sinabi ni Finance Undersecretary Karlo Adriano na maaaring makalikom ng karagdagang ₱13 billion mula sa mining fiscal regime at ₱43 billion mula sa iba pang panukalang tax measures.
Muling itinulak ni Ejercito ang Senate Bill no. 2 na naglalayong magtatag ng long-term national infrastructure master plan.
Suportado naman ito ni Secretary Go, dahil makatutulong aniya ang isang master plan para maihanay at maisaayos ang mga infrastructure program ng pamahalaan.
Hiniling din ni Ejercito sa DOF na beripikahin ang tinatayang ₱300 billion earmarked funds para sa PhilHealth, kabilang ang bahagi ng kita mula sa Sin Tax na itinakda para sa Universal Health Care.
Nangako naman ang kalihim na isusumite sa Senate Finance Committee ang datos tungkol sa mga nakalaang kita para sa PhilHealth at Universal Health Care.