Tiniyak ng Impeachment Court na magpapatuloy ang pagdinig sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte kahit idulog sa Korte Suprema ang bagong ruling nito sa voting threshold.
Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, maaaring kuwestiyunin ng alinmang panig sa Supreme Court ang ruling sa pamamagitan ng Petition for Certiorari sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court.
Una nang sinabi ng Defense lawyers na sina Atty. Michael Poa at Lead Counsel Atty. Sheila Sison na plano nilang dalhin sa Supreme Court ang usapin.
Ipinaliwanag ni Tongol na ang SC ang final arbiter sa mga usaping may kaugnayan sa interpretasyon ng konstitusyon sa pagitan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Gayunman, kailangan aniyang maipakita ng naghahain ng petition na nagkaroon ng Grave Abuse of Discretion sa panig ng sangay ng gobyernong kinukuwestyon, sa kasong ito ay ang Senate Impeachment Court.
Nilinaw naman ni Tongol na hindi awtomatikong mapipigil ng paghahain ng Petition for Certiorari ang impeachment proceedings.
Aniya, magpapatuloy ang impeachment trial maliban na lang kung magpalabas ang Supreme Court ng Temporary Restraining Order (TRO) na mag-uutos na pansamantalang ihinto ang proceedings.