Sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), bumuo ng technical working group para suriin ang mga kasalukuyan at posibleng free trade agreement (FTA).
Layon nitong tiyaking maikokonsidera sa FTAs at iba pang bilateral at multilateral agreements ang interest ng agri-food at fisheries.
Gagawa ang grupo ng panukalang FTAs at iba pang kasunduan at lalahok sa interagency meetings ng posibleng trade pacts habang susuriin ang mga pangangailangan at interest ng agricultural stakeholders sa ilalim ng kasalukuyang FTAs at magkokonsulta bago ang trade negotiations.
Tutukuyin din ng grupo ang specific objectives at mga posisyon na dapat ikonsidera sakaling pumasok ang Pilipinas sa bago o kung magre-renew ng trade agreement.
Kapag nalagdaan ang bagong FTA o ibang kasunduan, magbibigay ng update ang grupo sa stakeholders hinggil sa resulta at magbibigay ng rekomendasyon para sa reviews o renewals sa hinaharap.
Ginawa ang hakbang dahil ang agricultural market access ang nananatiling isa sa maraming isyu na kailangang resolbahin sa trade negotiations.