Nanawagan si Bukidnon 3rd District Representative Audrey Kay Zubiri ng mas malaking pondo para sa mga state universities and colleges (SUCs).
Sa plenary sponsorship at debate sa budget ng SUCs, binigyang-diin ni Zubiri ang tinatayang P5 billion kakulangan sa Free Higher Education allocation.
Ayon sa mambabatas, maaaring maapektuhan nito ang operasyon, pasilidad at kalidad ng edukasyon sa mga pamantasang umaasa sa pondo ng gobyerno.
Kinuwestyon din niya ang hindi pantay na alokasyon ng pondo sa mga SUCs sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Partikular niyang binanggit ang University of Science and Technology of Southern Philippines sa Cagayan de Oro na aniya ay nangangailangan din ng sapat na suporta.
Giit ni Zubiri, dapat mas bigyan ng pondo ang mga paaralang higit na nangangailangan upang mapaunlad ang kanilang imprastraktura at kapasidad.
Binigyang-diin niya na hindi dapat masayang ang mga naging pag-unlad sa sektor ng edukasyon at kailangang tiyakin ng Kongreso ang dekalidad na tertiary education para sa lahat ng estudyante.