Aabot sa 96 ang mga testigong nais iharap ng prosekusyon sa paglilitis ng plunder case sa Sandiganbayan Third Division laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa isinagawang pre-trial ngayong umaga, sinabi ng prosekusyon na plano nitong magpresenta ng 23 testigo sa bail proceedings, habang ang natitirang 73 ay ihaharap sa trial proper.
Giit ng prosekusyon, mahalaga ang mga testigong ito para patunayan ang kanilang mga alegasyon at ebidensya laban sa akusado.
Sa panig naman ng depensa, tatlo o apat na testigo ang maaaring iharap para sa bail hearing, depende sa magiging pangangailangan matapos ilatag ng prosekusyon ang kanilang ebidensya.
Sa mismong trial proper, plano rin ng depensa na iharap bilang testigo si Romualdez mismo.
Samantala, inihayag ng kampo ni Romualdez na maghahain ito ng petition for bail sa Lunes, September 28, at hiniling na rin sa korte ang iskedyul ng mga bail hearing.
Target simulan ang bail hearing sa October 12 at isasagawa tuwing Lunes, Martes at Huwebes hanggang November 12, alas-8:30 ng umaga at alas-1:30 ng hapon.
Samantala, nagkaroon naman ng entry of appearance ang dalawang legal counsel ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na kapwa akusado sa kaso. Gayunman, sinabi ng mga abogado na wala silang personal na kaalaman kung susuko o haharap sa korte ang kanilang kliyente.