Ipinag-utos na ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na ituloy lang pagpo-proseso ng fare hike petition.
Kaugnay pa rin ito ng nararamdamang pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo na labis na inaarayan ng mga tsuper ng pampublikong transportasyon.
Ani Lopez, nakatakda na sa susunod na linggo ang pag-uusap kasama ang mga transport group hinggil sa hiling nilang taas-pasahe.
Mahalaga umano na sa gagawing pag-uusap ay mahanap ang balanse upang kahit magtaas man ang pasahe ay maikonsidera pa rin ang kapakanan ng mga commuter.
Ipinag-utos na rin umano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa DOTr na ituloy at huwag putulin ang mga ipinatutupad na diskwento sa mga railway transport na labis na makatutulong sa mga commuter.