Nanawagan si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iatas ang pagsasagawa ng komprehensibong audit at pisikal na inspeksyon sa mga baril na ipinagkaloob, pagmamay-ari, o hawak ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.
Inihain ni Diokno, kasama sina Representatives Perci Cendaña, Dadah Ismula, at Kaka Bag-ao ang House Resolution 1468 para suriin ang sistema ng gobyerno sa custody, safekeeping, at accountability ng mga baril.
Ayon sa resolusyon, tatlong insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban City, Zamboanga City, at Banga, South Cotabato ang kinasasangkutan ng mga baril na konektado sa government personnel.
Sa Tacloban at Zamboanga, ang mga baril ay issued sa isang Police staff sergeant at Bureau of Customs employee, habang sa Banga ay pribadong pagmamay-ari ng isang Department of Education employee ang baril na ginamit.
Iminumungkahi ng resolusyon na pangunahan ng PNP Firearms and Explosives Office ang nationwide safety audit at physical accounting ng mga baril ng government officials at employees.
Susuriin dito kung nagtutugma ang mga dokumento sa aktuwal na possession, awtorisasyon, kondisyon, at safekeeping ng mga baril, kabilang ang mga nawawala o hindi ma-account.
Giit ni Diokno, mahalagang matukoy kung sino ang may hawak ng bawat baril at kung ligtas itong nakatago upang maiwasang mapasakamay ng mga hindi awtorisadong indibidwal at magamit sa karahasan sa loob ng mga paaralan.
“Kailangan nang kumilos ang ating pamahalaan upang mapigilan ang ganitong mga insidente. Hindi sapat na may tala tayo kung kanino nakatalaga ang mga baril. Kailangang matiyak na ang bawat baril ay maayos na iniingatan, nababantayan, at hindi na-a-access ng mga hindi awtorisadong tao,” saad ni Diokno.