Itinaas na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang BLUE ALERT status sa kanilang operations center dahil sa bagyong #QueeniePH.
Bagamat inaasahang hindi tatama sa anumang bahagi ng kalupaan ng bansa ang bagyo, sinabi ng NDRRMC na patuloy pa rin nila itong minomonitor habang kumikilos sa Philippine Sea.
Sa NDRRMC Memorandum No. 29, Series of 2026, na nilagdaan ni Office of Civil Defense Deputy Administrator for Operations Asec. Laurencé Mina, epektibo alas-8 ng umaga ngayong September 25 ang Blue Alert.
Sa ilalim ng Blue Alert, inaatasan ang mga concerned NDRRMC member-agencies at Regional DRRM Councils na patuloy na mag-monitor sa kanilang mga lugar.
Gayundin ang pagsasagawa ng preparedness measures at magsumite ng assessment sa mga posibleng maapektuhan.
Inatasan din ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) na magtalaga ng detailed duty officers sa NDRRMC, habang pagaganahin din ang virtual Emergency Operations Center para mapabilis ang koordinasyon ng mga ahensya.
