Binigyang linaw ni House Appropriations Committee vice-chair Brian Poe na hindi ipinatawag ng Kamara si Meta CEO Mark Zuckerberg sa budget deliberations ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa panukalang budget ng ahensya nitong Huwebes, sinabi ni Poe na walang House resolution na nag-aatas o nag-iimbita kay Zuckerberg na humarap sa Kamara.
Hiniling naman ni House Majority Leader Sandro Marcos ang paglilinaw matapos lumabas ang mga ulat na ipinatawag umano ng Kamara si Zuckerberg.
Ayon kay Poe, walang naging papel ang Kamara sa pagpapatawag kay Zuckerberg o sa pag-aatas sa Meta na humarap sa plenaryo.
Sinabi rin ni Poe na humingi ng paumanhin si DICT Secretary Henry Aguda sa naging hindi pagkakaunawaan at agad na inalis ng ahensya ang naunang post tungkol dito.
Nagpasalamat naman si Marcos sa paglilinaw ng DICT at sa pagtutuwid sa mga ulat hinggil sa umano’y pagpapatawag kay Zuckerberg.