Itinutulak ng Department of Budget and Management o DBM ang mas maayos at pangmatagalang pagpaplano upang maiwasan ang pagkaubos ng mga regular na government supplies na maaaring magdulot ng pagkaantala sa serbisyo publiko.
Ayon kay DBM Secretary Kim Robert C. De Leon, kung taun-taon naman ang pangangailangan ng gobyerno tulad ng driver’s license cards at passport booklets, dapat ding pangmatagalan ang pagpaplano.
Aniya, maaaring makatulong dito ang Multi-Year Contractual Authority o MYCA, na nagpapahintulot sa mga kwalipikadong locally funded projects o requirements na magkaroon ng kontratang lampas sa isang taon, alinsunod sa mga panuntunan ng DBM.
Layunin nitong matiyak ang tuloy-tuloy na suplay at serbisyo, mas maagang matukoy ang pangangailangan at pondo, at mapahusay ang procurement at delivery.
Gayunman, nilinaw ni Secretary De Leon na hindi awtomatikong nangangahulugang mas mura ang mas mahabang kontrata. Patuloy na susuriin ang market conditions at aktuwal na gastos, at maaaring i-renegotiate ang presyo kung naaayon sa mga patakaran.
Binigyang-diin din niya na “long-term ang kontrata, pero hindi long-term blank check.” May annual budget process, rules at accountability pa rin sa bawat piso.