Naniniwala ang isang political analyst na kung gagawin na ang botohan ngayong araw para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ay mayroon aniya itong 70-80% chance of conviction dahil sa naging resulta ng threshold voting ng mga senator judge.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Professor Froilan Calilung, sinabi nito na malinaw at solid ang ipinakikita ng senate majority para sa conviction ng pangalawang pangulo.
Aniya, kita naman sa resulta ng threshold voting ang conviction kaya kung gagawin na ang botohan ngayon, mas makatitipid pa ang gobyerno sa paggamit ng pondo at ng resources nito.
Bagama’t sang-ayon ang political analyst sa isinagawang threshold voting, mas mainam aniyang ginawa ito sa tamang panahon at proseso, at hindi sa kalagitnaan ng impeachment trial.
Ito ay sa kadahilanang magiging iba aniya ang pananaw ng mga tagasuporta ng bise presidente sa nasabing hakbang ng impeachment court.