Inaasahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gagamitin ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay ang karagdagang panahon sa kanilang panunungkulan upang higit na mapabuti ang serbisyo publiko at matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro, kasunod ng pag-apruba ng Malacañang sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na nakatakda sana sa November.
Ayon sa opisyal, hindi ito simpleng pagpapahaba ng panunungkulan ng kasalukuyang barangay officials, bagkus dagdag na panahon ito upang mas mapabuti ang kanilang serbisyo sa taumbayan.
Binigyang-diin ng Palasyo na kaakibat ng karagdagang panahon ang patuloy na pananagutan ng mga opisyal sa kanilang mga nasasakupan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, itinakda sa limang taon ang termino ng mga halal na opisyal ng barangay at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan.
Gaganapin ang susunod na regular na BSKE sa ikalawang Lunes ng November 2028 at kada limang taon pagkatapos nito.