Kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea o NTF-WPS ang panghihimasok umano ng China Coast Guard at People’s Liberation Army Navy sa isinagawang lawful Rotation and Resupply o RoRe mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal noong September 24, 2026.
Ayon sa NTF-WPS, hinarangan ng mga barko ng China Coast Guard at PLA Navy ang regular na misyon para maghatid ng mahahalagang suplay at magpalit ng mga tauhang nakatalaga sa BRP Sierra Madre o LS-57.
Sinabi ng task force na nalagay sa panganib ang mga Pilipinong tauhan at nahadlangan ang isang lehitimong humanitarian at sustainment operation.
Iginiit ng NTF-WPS na ang naturang mga aksyon ay hindi naaayon sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award, na kumilala sa sovereign rights at jurisdiction ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito, kabilang ang Ayungin Shoal.
Nanawagan ang NTF-WPS sa China Coast Guard at PLA Navy na agad itigil ang panghihimasok sa mga lawful Philippine RoRe mission.
Tiniyak naman ng task force na magpapatuloy ang Pilipinas sa pagsasagawa ng mga lawful operation sa West Philippine Sea at pag-eexercise ng sovereign rights at jurisdiction nito alinsunod sa international law.