Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang mga Regional Office nito sa Luzon na repasuhin ang mga nakalipas na kaso ng paganakaw sa mga convenience store.
Ito’y para alamin kung may kaugnayan ang mga ito sa apat na nahuling suspek matapos ang pagsalakay sa isang tindahan sa Trece Martires City sa Cavite.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., isang Army Corporal na napag-alamang AWOL (Absent Without Official Leave) ang kabilang sa mga nahuli gayundin ang tatlo pa niyang kasapakat.
Naaresto sila, alas-3:40 ng madaling-araw kahapon, sa isang hotel sa Brgy. 8 sa bayan ng Catanauan, Quezon, matapos maiugnay sa pagnanakaw sa isang DALI convenience store sa Trece Martires City noong Miyerkules, Setyembre 23.
Nabisto ang kanilang mga galaw sa pamamagitan ng mga CCTV recording kaya’t agad itong iniulat sa Quezon Police matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga armadong lalaki na kahina-hinalang nanunuluyan sa isang hotel sa Catanauan.
Ayon sa pulisya, inamin ng mga suspek ang kanilang pagkakasangkot sa pagnanakaw sa Trece Martires City.
Iniugnay rin ng pulisya ang grupo sa mga naunang pagnanakaw sa mga sangay ng 7-Eleven, Andoks, Alfamart, at Puregold sa Pateros, Batangas, Laguna, Cavite, at Quezon.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong robbery o pagnanakaw, gayundin sa mga paglabag sa Republic Act 10591 at Republic Act 9516 na may kaugnayan sa mga baril at pampasabog matapos makumpiska sa kanila ang mga ebidensya.