Hinimok ng ilang mambabatas ang Department of Trade and Industry (DTI) na magsagawa ng pag-aaral at magrekomenda sa Department of Finance (DOF) na isama ang presyo ng petrolyo sa suspensyon ng Excise Tax sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Sa interpelasyon sa budget deliberation ng DTI, iminungkahi ni Gabriela Women’s Party-list Representative Sara Elago sa DTI na pag-aralan ang pagpapatigil sa pagkolekta ng excise tax sa gasolina at diesel—kapareho ng ginawang hakbang para sa LPG at kerosene—upang maibsan ang pasanin ng publiko.
Sumang-ayon naman ang Budget sponsor ng ahensya na si Laguna Representative Charise Hernandez sa pahayag ni Elago upang makatulong sa mga consumers apektado ng mataas na gastusin.
Bagaman ipinauubaya ng DTI ang pangunahing usapin sa Department of Energy (DOE), nangako ang ahensya na mahigpit na makikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang makahanap ng posibleng tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa ₱10 kada litro para sa gasolina at ₱6 kada litro naman para sa diesel ang ipinapataw na Excise Tax sa ilalim ng TRAIN Law.