Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang nagbigay direktiba sa Department of Transportation (DOTr) na gawing mas epektibo pa ang mga ikinakasang interbensiyon at tulong sa transport sector bunsod ng mataas na presyo ng petrolyo.
Sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez, na iginiit mismo ni Pangulong Marcos na kailangang pamahalaan ang unang umalalay at tumulong sa mga apektadong tsuper ng oil price hike.
Ani Lopez, dapat pa umanong mapiga ang resources ng pamahalaan upang mapalawak pa at maging mas epektibo ang mga ipinatutupad na programa tulad ng fuel subsidy program.
Tinututukan din ng DOTr ang mga gasolinahan na nagpalista at nakilahok sa fuel subsidy na palagi namang offline o hindi mapakinabangan ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan.
Giit pa ni Lopez, na ang nasabing hakbang ay magpaparami pa sa partner gas stations at posibleng magpalaki sa ibinibigay na diskuwento na ngayon ay nasa ₱12 per liter na.