Naglaan ng pondo ang Philippine National Police (PNP) para sa psychological wellness ng mga pulis na nahaharap sa iba’t ibang hamon ng buhay.
Layon nito na tulungan ang mga pulis na mapanatili ang kanilang kahandaan na maglingkod sa publiko sa kabila ng kanilang mga pinagdaraanan.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., pinahahalagahan nila ang kalagayang emosyunal at pangkaisipan ng mga pulis na regular na humaharap sa stress at panganib habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱125.11 milyon para sa BantayKaisipan Health Program ng PNP bilang bahagi ng ₱242.53-bilyong badyet ng ahensya para sa 2027.
Ito’y upang palakasin ang kapakanan ng mga uniformed personnel at tiyaking patuloy na may kakayahan ang mga institusyon ng pamahalaan na magbigay ng epektibong serbisyo publiko salig sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.