Nanindigan si Senador Bam Aquino na hindi lang mayayaman ang makikinabang kapag inalis ang value-added tax at excise tax sa gasolina at diesel.
Ayon kay Aquino, mas maraming sektor ang makikinabang kapag inalis ang mga nasabing buwis sa produktong petrolyo, kabilang na ang mga manggagawa, maliliit na negosyo, middle class, magsasaka, at mangingisda.
“Kailangan na ng agarang solusyon sa paglobo ng presyo ng produktong petrolyo na nakakaapekto sa ating mga kababayan,” wika ni Aquino, chairperson ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Ipinunto ni Aquino na libo-libong drivers at operator ng jeepneys, taxis, tricycles, bus, motorcycle taxis, at TNVS ang umaasa sa petrolyo para kumita at dalhin ang mga manggagawa sa kanilang destinasyon.
Binanggit din ni Aquino, na maraming miyembro ng middle class ang napipilitang gumamit ng pribadong sasakyan dahil sa kakulangan ng pampublikong transportasyon.
“Dahil hindi sapat ang pampublikong transportasyon, kailangang gumamit ang ating middle class ng pribadong sasakyan para makarating sa kanilang pupuntahan,” ani Aquino.
Sinabi rin ni Aquino na umaasa ang mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang mga gamit sa pagsasaka at mangingisda, pati na sa pagdadala ng kanilang ani at huli sa mga palengke.
Gumagastos naman para sa gasolina ang maliliit na negosyo para sa kanilang delivery, logistics, at pang-araw-araw na operasyon.
“Masyado nang maikli ang kumot para sa mga pamilyang Pilipino at hindi na kayang mamaluktot. Bawasan natin ang bigat ng kanilang pasanin. Tanggalin na ang excise tax at VAT sa produktong petrolyo,” wika niya.
Ayon kay Aquino, dapat gamitin ng gobyerno ang kapangyarihang ibinigay ng Kongreso para suspindihin ang pangongolekta ng excise tax sa langis. Aniya, pinapayagan ng Republic Act (RA) No. 12316 ang Pangulo na suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis kapag umabot o lumampas ang average price ng Dubai crude oil sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.
“Ibinigay ng Kamara at Senado sa pamahalaan ang kapangyarihang ito sa ganitong kadahilanan at sitwasyon. Gamitin na sana nila ito sa lalong madaling panahon para sa lunas ng pamilyang Pilipino,” paliwanag ni Aquino.
Bilang bahagi ng kanyang pagsisikap na maibaba ang presyo ng langis at bilihin, inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 265 para alisin ang excise tax sa produktong petrolyo, at Senate Bill No. 2017 na layong ibaba ang VAT mula 12% patungong 10% sa mga bilihin at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo.