Pansamantalang sinuspinde ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang Rotation and Resupply (RoRe) mission sa Ayungin Shoal matapos itong harangin ng mga barko ng China.
Ayon sa AFP, tatlong warship ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at limang barko ng China Coast Guard (CCG), kabilang ang dalawang Houbei-class missile boat, ang humarang habang isinasagawa ang routine humanitarian mission na ito.
Nasa 60 nautical miles pa lang mula sa Ayungin Shoal nang harangin ng PLAN at CCG vessels ang M/V Lapu-Lapu at tatlong support vessel ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard, kaya napigilan ang paghahatid ng suplay sa mga tauhang nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Tinawag ng AFP na “irresponsible” at “reckless” ang mga aksyong ito, at sinabing hindi ito naaayon sa UNCLOS at sa mga karapatang kinilala sa 2016 Arbitral Award.
Dahil sa posibleng pagtindi ng tensyon na maaaring makasama sa mga tauhan at barko ng Pilipinas, pansamantalang sinuspinde ang misyon.
Nangako pa rin ang AFP na ipagpapatuloy nito ang mandato na panatilihin ang mga tauhan sa BRP Sierra Madre at igiit ang legal na karapatan ng Pilipinas sa loob ng maritime zones nito.
Nanawagan naman ang AFP sa PLAN at CCG na itigil ang mga mapanganib na aksyon.