Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), katuwang ang lokal na Pulisya ang tatlong indibidwal.
Ito’y makaraang mahuli sa aktong iligal na nagbebenta ng mga produktong petrolyo sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Brgy. Bolocboloc, Sibulan, Negros Oriental.
Ayon kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, nagresulta ito sa pagkakakumpiska ng dalawang fuel machines na naglalaman ng gasolina na nagkakahalaga ng ₱1.3 milyong piso.
Nasukol ang tatlo matapos mabigong magpakita ng anumang dokumento na nagbibigay pahintulot sa kanila na magbenta ng krudo sa bisa ng Certificate of Compliance mula sa Departmet of Energy (DoE).
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Batas Pambansa #33 at Presidential Decree 1865 o iligal na pagbebenta ng langis ang mga naaresto.