Tinutulan ni House Ways and Means Committee Chair at Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo ang panukalang pagtataas ng Motor Vehicle User’s Charge o MVUC.
Ayon kay Quimbo, bagama’t kailangan ng gobyerno ng dagdag na pondo para sa maintenance ng mga kalsada, hindi dapat agad ipasa sa ordinaryong motorista ang dagdag na gastusin.
Sa panukala ng Department of Finance, tataas ng tinatayang 109 percent ang kasalukuyang MVUC rates, batay sa naipong inflation sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Layunin nitong makalikom ng karagdagang ₱22.39 billion kada taon, na gagamitin para sa konstruksyon, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga kalsada at drainage.
Iginiit ni Quimbo na dapat munang tingnan ng gobyerno kung saan maaaring manggaling ang karagdagang kita nang hindi nadaragdagan ang pasanin ng ordinaryong taxpayers at motorista.
Aniya, mahalaga ang road maintenance, pero hindi dapat maging default na solusyon ang dagdag-singil sa mga Pilipino.
“Naiintindihan natin ang pangangailangan para sa mas malaking pondo para sa maintenance ng ating mga kalsada. Pero hindi ibig sabihin na ang pinakamadaling paraan ay agad na ipasa ang dagdag na gastusin sa ordinaryong motorista,” giit ni Quimbo.