Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Patuloy ang pagpapatupad ng Department of Education (DepEd) ng mas pinaigting na kordon ng seguridad sa mga paaralan alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panayam ng programang Boses kay DepEd Undersecretary for Governance and Operations, Dr. Malcolm Garma, sinabi nitong aktibo nang ipinatutupad ang whole-of-community approach pagdating sa seguridad kung saan katuwang na ng DepEd ang iba pang ahensiya ng pamahalaan maging ang komunidad upang tiyakin na ligtas ang mga paaralan.
Sa kabila nito, nais ding tutukan ng DepEd ang mental health and well-being interventions ng kagawaran para sa mga mag-aaral na siyang mas pang-matagalang solusyon upang maiwasan ang insidente ng karahasan.
Bukod sa mental well-being ng mga mag-aaral kasama rin sa mga tututukan ng DepEd sa pagpapalakas ng counseling capabilities ng mga paaralan ang problema sa bullying.
Mahalaga ayon kay Garma na parehong ma-utilize ang pagpapalakas ng seguridad at preventive measures upang masupil ang posibilidad ng mga akto ng karahasan.