Handang umalalay ang Philippine National Police (PNP) sa mga maaapektuhan ng dalawang araw na tigil-pasada ng grupong PISTON simula ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., naka-standby ang kanilang mga asset para maghandog ng libreng sakay lalo sa mga lugar na pagdarausan ng programa ng mga nagtigil-pasada.
Inatasan na ng PNP Chief ang iba’t ibang Regional Director nito sa buong bansa na makipag-ugnayan sa mga Lokal na Pamahalaan para tiyaking hindi maaantala ang biyahe ng mga pasahero na papasok sa eskwelahan at trabaho.
Ngayong araw, aarangkada ang tigil-pasada ng grupong Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kaasabay ng nakatakdang pagtataas ng pasahe sa mga Public Utility Vehicle (PUV).
Nabatid na ₱14 na ang minimum na pasahe sa ordinary jeepey habang nasa ₱17 ang minimum na pasahe sa modern Jeepney.