Nagpatupad ng libreng sakay ang Department of Transportation (DOTr) katuwang ang iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
Ito’y ayon sa DOTr ay upang alalayan ang mga pasahero sa pagsisimula ng tatlong araw na tigil-pasada ng iba’t ibang transport group ngayong araw, September 28.
Ayon kay Transportation Sec. Giovanni “Banoy” Lopez, epektibo ang libreng sakay mula ala-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.
Kabilang sa mga ruta ng libreng sakay ang Quiapo-Fairview, Quiapo-Welcome Rotonda, Nagtahan-Cubao, Cubao-Fairview, Galleria-Taytay at vice versa.
Katuwang ng DOTr sa pagbibigay ng libreng sakay ang Office of the President (OP), Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), Department of Energy (DOE) at Philippine Coast Guard (PCG).
Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may masasakyan ang mga pasahero sa gitna ng tigil-pasada.