Nasa kampo na ng depensa ni VP Sara Duterte ang responsibilidad na ipaliwanag ang umano’y pinansyal na interes nito sa GenCorp Industries, Inc.
Ito ang binigyang-diin ni House legal Spokesperson atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. matapos matanong kung maari bang igiit ang isang trust o nominee agreement sa deklarasyon ng Bise Presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) patungkol sa naturang korporasyon.
Paliwanag ni Tolosa, ang pangunahing isyu sa GenCorp ay kung tinalikuran o nagdivest ba ng respondent ng kanyang interes sa negosyo, dahil mahigpit na ipinagbabawal sa isang Bise Presidente ang pagkaroon ng ganitong uri ng financial interest.
Aniya, ipauubaya din ng prosekusyon sa mga senador-judges ang pagpapasya kung lumabag si Duterte sa mga naturang probisyon.
Samantala, nilinaw ng prosekusyon na nakatuon ang kanilang pagsisiyasat sa mga transaksyon ng GenCorp simula taong 2022—ang panahong umupo si VP Duterte bilang ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.