Nag-deploy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng aircraft at BRP Teresa Magbanua para bantayan at i-challenge ang isang China Coast Guard vessel na namataan malapit sa Cabra Island sa Occidental Mindoro.
Iniutos ni Philippine Coast Guard Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang operasyon matapos mamataan ang CCG-3303 nasa humigit-kumulang 35 nautical miles hilagang-kanluran ng isla at nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ilang beses na nag-radio challenge ang PCG aircraft sa Chinese vessel ngunit wala itong naging tugon. Kalaunan, namataan din ng BRP Teresa Magbanua ang tatlong warship ng People’s Liberation Army Navy nasa humigit-kumulang 31 nautical miles hilagang-kanluran ng Cabra Island.
Ayon sa PCG, posibleng konektado ang presensya ng mga Chinese vessel sa pag-monitor ng China sa katatapos na ADMM-Plus maritime security activity sa West Philippine Sea.
Patuloy namang magde-deploy ang PCG ng air at surface assets upang bantayan at i-challenge ang mga dayuhang sasakyang pandagat na pumapasok sa Philippine EEZ nang walang pahintulot.
