Ipinaubaya na ng Bureau of Customs sa Bureau of Internal Revenue ang kustodiya sa mga natitirang sasakyan ng mag-asawang Discaya.
Ang mga ito ay ang kinumpiska noon ng mga awtoridad matapos pumutok ang isyu ng maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, naipasubasta na nila ang lahat ng sasakyan ng mga Discaya na may problema sa importasyon.
Pero hindi na aniya nito saklaw ang iba pang mga nakumpiskang sasakyan na walang problema sa papeles pero hindi pa rin ibinalik sa mag-asawang contractor.
Nitong Mayo nang makumpleto ng BOC ang pagbebenta sa 13 luxury cars ng mga Discaya na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.
Sinabi ni Nepomuceno na iba pa ito sa mahigit isang dosenang mga sasakyan ng Discaya na nasa kustodiya na ng BIR. | ulat ni DK Zarate