Mas pinaigting ng pamahalaan ang transparency at accountability sa paggamit ng Government Procurement Data.
Ayon kay PS-DBM Executive Director Atty. Genmaries S. Entredicho-Caong, hindi lamang tungkol sa access sa impormasyon ang Data Sharing Agreement o DSA. Tungkulin din ng mga ahensya na tiyaking ang datos ay ginagamit at pinoproseso nang responsable, naaayon sa batas, at para sa malinaw na layunin.
Tiniyak din ng PS-DBM na patuloy itong magbibigay ng kinakailangang procurement information sa mga oversight institution, kabilang ang mga impormasyong maaaring gamitin sa imbestigasyon kahit pa PS-DBM personnel ang masangkot.
Bahagi ang kasunduan ng pagpapatupad ng New Government Procurement Act o NGPA, gayundin ng modernization ng PhilGEPS at iba pang public financial management systems.
Ayon kay UNDP Philippines Resident Representative Christophe Bahuet, mahalaga ang kasunduan sa pagpapalakas ng public financial management, accountability, transparency, at efficiency.
Samantala, binigyang-diin ni UNODC Philippines Country Manager Amielle del Rosario na magiging kapaki-pakinabang lamang ang mas malawak na access sa impormasyon kung may kakayahan ang mga institusyon na suriin at gamitin ito nang maayos. | ulat ni DK Zarate