Iginiit ni House Prosecutor at San Juan Representative Ysabel Maria Zamora na magpapatuloy ang House Prosecution panel sa kanilang estratehiya at pagpapakita ng mga bank record ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay sa kabila ng pagpapatibay ng Senate Impeachment Court sa pagtutol ng depensa sa “Request for Admission” ng prosekusyon, na sumasaklaw sa pagiging tunay ng mga sinubpoenang bank record at pagmamay-ari ng mga account.
Gayunpaman, nilinaw ng korte na hindi nito aalisin sa record (expunge) ang kahilingan. Mananatili ito kasama ang pagtutol ng depensa at desisyon ng korte, bagamat wala itong magiging epekto sa ebidensya, katotohanan, o prejudicial effect laban sa Bise Presidente.
Samantala, sinabi ni House impeachment adviser at spokesperson Ace Barbers na ang desisyon ay hindi magiging hadlang sa prosekusyon upang ihain ang mga kaugnay na bank record.
Patuloy rin nilang hinihiling sa mga abogado ni Duterte na sumang-ayon sa isang stipulasyon ukol sa pagiging tunay ng mga ito upang mapabilis ang paglilitis—na hindi naman nangangahulugang desidido na kung ano ang direktang pinatutunayan ng mga rekord laban sa Bise Presidente.