Nanawagan ang Council for the Welfare of Children (CWC) na dapat mas matutukan ngayon ang mental at emotional well-being ng mga kabataan kasunod na rin ng serye ng karahasan sa mga paaralan.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay CWC Executive Director, Undersecretary Angelo Tapales na bagamat mahalaga ang pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan ay dapat ding mabigyan ng pansin ang preventive measures na kinabibilangan ng pagtutok sa paggabay sa mga kabataan.
Aniya, whole-of-community approach na ang dapat ipatupad kung saan hindi lang pamahalaan, civic groups at pribadong sektor ang dapat asahan kung saan dapat ang pagbabantay at pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan ay laging dapat mag-umpisa sa tahanan at pamilya.
Pagdating naman sa mga katagang “It takes a village to raise a child” sagot dito ni Tapales na dapat na rin ngayong ikonsidera ang tinatawag na “cyber village” na siyang parte na rin ng buhay ng mga kabataan.
Dito dapat umpisahan ng mga magulang, guardian at pamahalaan ang pagbabantay upang matiyak na ligtas sa mga masasamang impluwensiya at elemento ng “Nihilistic Violent Extremism” o NVE ang mga bata.
Ibinida rin ni Tapales na sa ilalim ng Administrasyong Marcos Jr. ay labis na bumaba ang bilang ng mga kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan gayundin bumaba ang bilang ng mga “Children in Conflict with the Law” o CICL.