Sinisiguro ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hindi mawawalan ng tubig ang bawat tahanan na sineserbisyuhan ng mga water concessionaire na kanilang sinusuplayan dulot ng matinding epekto ng El Niño.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay MWSS Department Manager, Engineer Patrick Dizon, sinabi nito na gumawa na ang kanilang ahensya ng mga hakbang upang hindi gaanong maapektuhan ng matinding tagtuyot ang supply ng malinis na tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Ayon kay Engr. Dizon, bukod sa Angat Dam na halos 90% ng supply ng tubig ay nagmumula rito, mayroon na ring iba pang mga dam at water treatment plant facility na maaaring mapagkuhanan ng tubig.
Kabilang na aniya rito ang Laguna Lake at dam sa Rizal Province na ipinagawa katuwang ang pribadong sektor.
Dagdag pa ni Engr. Dizon, patuloy rin ang kanilang monitoring kung nasusunod ba ang mga isinumiteng business plan ng kanilang mga private partner para sa pagpapanatili ng kanilang maayos na serbisyo.
Samantala, nagpaala na rin ang MWSS na huwag magsayang at magtipid sa paggamit ng tubig upang hindi kaagad maubos ang imbak sa mga water reservoir.