Itutulak ng National Unity Party o NUP ang ilang special provision na maisama sa 2027 General Appropriations Bill upang matiyak ang maayos, patas at agarang pagpapatupad ng mga pondong inaprubahan ng Kongreso.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni NUP Chair at Antipolo Rep. Ronaldo Puno na layunin nilang tugunan ang mga problema sa pagpapalabas at pagpapatupad ng pondo para sa mga proyekto at serbisyong panlipunan.
Kabilang sa nais nilang maisama sa special provisions ang awtomatikong pagpapalabas ng mga pondong nakalaan para sa imprastraktura at pagbabawal sa pag-tag sa mga proyekto bilang “For Later Release.”
Isinusulong din ng NUP ang agarang pagpapalabas ng mga pondong nakalaan para sa AICS at MAIFIP, pati ang mahigit ₱44.7 bilyong bahagi ng sin tax revenues para sa MAIFIP at Health Facilities Enhancement Program.
Nais din ng partido na matiyak ang patas at awtomatikong alokasyon ng Local Government Support Fund batay sa populasyon, antas ng kahirapan at fiscal capacity ng mga lokal na pamahalaan.
Iginiit din ng NUP na hindi dapat gamitin ang pondo ng mga serbisyong panlipunan bilang paraan ng pagpaparusa sa mga distrito o komunidad dahil lamang sa mga opinyon o boto ng kanilang mga kinatawan na taliwas sa posisyon ng nakararami.
Giit ng partido, kailangang matiyak na ang mga pondong inaprubahan ng Kongreso ay maipatutupad nang buo at hindi basta ipagkakait o ipagpapaliban, upang mapakinabangan ito ng mga komunidad at mga benepisyaryo.