Photo courtesy of Presidential Communications Office
Mas masusundan na ng mga Pilipino kung saan talaga napupunta ang budget ng bayan matapos gawing permanenteng bahagi ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang DBM COMPASS Portal bilang unified digital platform ng gobyerno para sa budget at expenditure disclosures.
Sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 126, sentro ng isang government-wide transparency system ang COMPASS na mag-uugnay sa impormasyon sa buong national budget cycle.
Sa pamamagitan nito, ang nagsimula bilang transparency initiative ng Department of Budget and Management (DBM) ay magiging isang institutionalized government mechanism. Inaatasan nito ang mga saklaw na national government agencies at instrumentalities, kabilang ang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions (GFIs), na magsumite, mag-disclose, mag-update, at mag-publish ng mga impormasyong maaaring kailanganin sa pamamagitan ng COMPASS.
Pananagutan ng bawat saklaw na ahensya ang accuracy, completeness, at timeliness ng impormasyong kanilang isusumite. Nakasaad din sa EO 126 na ang hindi pagsunod dito ay maaaring maging batayan para sa administrative at disciplinary sanctions alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Nauna nang inilatag ng Pangulo ang prinsipyong nasa likod ng COMPASS nang ilunsad niya ang platform noong Hunyo.
“Like a compass that points the way forward, this platform allows our people to see and track where their hard-earned money goes.”
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na upang maibalik ang tiwala ng publiko, kailangang higit pa sa compliance sa papel ang transparency ng gobyerno.
“Kung nais nating mapanumbalik ang tiwala ng taumbayan, dapat malinaw, bukas, at nakikita ang ating mga ginagawa. Hindi sapat na tama at kumpleto lang tayo sa papel. Kailangan nararamdaman din ang badyet ng taumbayan.”
Mula budget allocation hanggang aktwal na delivery
Sinabi ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon na sa pamamagitan ng institutionalization ng COMPASS, mas makikita ng mga mamamayan at oversight institutions ang kabuuang daloy ng government resources at kung paano ito naisasalin sa mga programa at proyekto.
“The President has already signed an Executive Order also institutionalizing the DBM COMPASS. So, very soon, we will be sharing the DBM COMPASS as well to the Office of the Ombudsman so that you will not just only track procurement, but you can even see SAROs, NCAs, NTA releases, and LGSF releases at your fingertips,” anunsyo ni Acting Secretary De Leon sa naganap na ceremonial signing ng Data Sharing Agreement sa pagitan ng Procurement Service-DBM (PS-DBM) at Office of the Ombudsman noong ika-29 ng Setyembre.
“COMPASS will be the central repository where you can get the complete story—from appropriation, allotment, procurement, and project implementation status,” dagdag ng Budget Chief.
Pinalalawak din ng EO ang saklaw ng COMPASS bukod sa mga budget figures. Kabilang sa maaaring i-disclose ang financial at program performance, project implementation at completion status, procurement information, at iba pang transparency-related information na nabubuo sa iba’t ibang yugto ng national budget cycle.
Maaari ring masaklaw ang mga programa at proyektong pinopondohan, pinangangasiwaan, o ipinapatupad sa pamamagitan ng government mechanisms—kabilang ang public-private partnerships at foreign-assisted programs—kung gumagamit, nagdi-disburse, o nag-a-account ang mga ito ng public funds.
Pag-uugnay sa financial systems ng gobyerno
Inaatasan din ng EO 126 ang COMPASS na magkaroon ng kakayahang makipag-interface sa mga umiiral na government systems, kabilang ang Integrated Financial Management Information System (IFMIS), Budget and Treasury Management System (BTMS), Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS), Digital Information for Monitoring and Evaluation (DIME), at E-Gov PH App, bukod sa iba pang systems na maaaring tukuyin ng DBM.
Layunin nitong ilayo ang gobyerno sa pira-pirasong disclosures na nakakalat sa iba’t ibang ahensya at systems upang bumuo ng isang unified, interoperable, at open public financial data framework. Sa ganitong paraan, mas madaling maiuugnay ng mga mamamayan at oversight bodies ang impormasyon mula sa iba’t ibang yugto ng paggastos ng gobyerno.
Inaatasan ang platform na magbigay ng timely, reliable, at user-friendly access sa government financial at performance information, habang sumusunod sa mga pamantayan sa data integrity, authenticity, interoperability, accessibility, traceability, auditability, cybersecurity, at operational resilience.
Accountability, nakapaloob mismo sa sistema
Upang matiyak na magiging isang pangmatagalang institutional reform ang COMPASS, lumilikha ang EO 126 ng COMPASS Council na pamumunuan ng DBM, katuwang bilang co-chairperson ang Department of Information and Communications Technology (DICT). Miyembro rin ng Council ang Department of Finance (DOF) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
May kapangyarihan ang Council na magtakda ng disclosure policies at standards, magtakda ng accountability at disclosure timelines, bantayan ang compliance ng mga ahensya, magrekomenda ng kaukulang aksyon sa mga kaso ng non-compliance, at tiyaking nananatiling secure at accessible sa mga mamamayan ang government transparency mechanisms.
Maaari rin itong makipag-ugnayan sa mga kinatawan mula sa Congress, Judiciary, Independent Constitutional Commissions, national government agencies, LGUs, civil society organizations, academic at research institutions, media, at iba pang stakeholders.
Hinihikayat naman ang local government units na makilahok. Inaatasan ang DILG na hikayatin ang mga LGU na gamitin ang COMPASS at, kung naaangkop, isama ang disclosure ng covered information bilang isa sa mga criteria para makamit ang Seal of Good Local Governance.
Pinananatili ng EO ang safeguards para sa impormasyong protektado ng mga batas kaugnay ng national defense at national security, data privacy, at iba pang applicable restrictions. Gayunman, kapag may impormasyong legal na withheld o redacted, kailangang mag-publish ang concerned agency ng exception o redaction log na nagsasaad ng legal basis, approving authority, at petsa ng withholding o redaction, habang pinananatili ang kumpletong records para sa authorized oversight at audit purposes. | Press Release from Department of Budget and Management