Photo courtesy of National Commission of Senior Citizens
Muling nanawagan si dating United Senior Citizens Party-list Representative Milagros Aquino-Magsaysay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na lagdaan ang Universal Social Pension Act para matiyak ang proteksyon ng mahigit 12 milyong senior citizens sa bansa.
Kasabay ito ng pagdiriwang ng Filipino Elderly Week mula Oktubre 1 hanggang 7.
Apela ng mambabatas na agad nang pagtibayin bilang batas ang panukala na mag-aalis sa limitasyon at masalimuot na proseso upang matiyak na walang nakatatanda ang maiiwan sa pagtanggap ng tulong mula sa pamahalaan.
Ayon kay Magsaysay, hindi lamang ito ayuda kung hindi pagkilala sa karapatan, dignidad, at ambag ng mga lolo at lola na nagtaguyod sa mga susunod na henerasyon.
Hiniling din niya sa Pangulo na gawing makasaysayang pamana sa mga nakatatanda ang pagsasabatas ng panukala ngayong Elderly Filipino Week.
Panawagan pa ni Magsaysay sa mga senior citizens at kanilang mga organisasyon sa buong bansa na magkaisa at iparinig ang kanilang panawagan para sa batas.