Photo courtesy of Department of Migrant Workers (DMW)
Nakikipag-ugnayan na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga awtoridad sa Germany at Italy sa mga posibleng legal na hakbang kasunod ng malagim na bus crash sa Bavaria, Germany.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, puspusan din ang ginagawang pagpupulong ng mga opisyal ng Pamahalaan ng Pilipinas, German Police, at mga legal counsel para sa ikinakasang kaso laban sa bus driver at bus company ng nasasangkot.
Sinabi pa ng Kalihim na tuloy-tuloy din ang kanilang pagmo-monitor at paghahatid ng tulong sa mga biktima gayundin sa kanilang pamilya lalo na iyong mga nananatili pa rin sa ospital.
Batay sa datos ng DMW, dalawa ang nasawing Pilipino sa insidente, 17 ang malubhang nasugatan habang 14 na iba pang Pinoy ang nagtamo ng minor injuries.
Iniulat din ni Cacdac na karamihan sa mga nagtamo ng minor injuries ay nakalabas na ng ospital at naihatid na sa Milan, Italy habang patuloy namang tinututukan ng DMW at OWWA ang dalawa pang Pinoy na nananatili sa ospital.
Tiniyak din ng kalihim sa pamilya ng 30 Pilipinong biktima ng malagim na insidente na maihahatid sa kanila ang katarungan dahil sa kanilang sinapit.
Minamadali na rin aniya ang pagpapauwi sa labi ng dalawang Pilipinong nasawi sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya.