Hinihikayat ng pamahalaan ang mga Pilipino na mamuhunan sa Retail Treasury Bonds (RTBs) mula sa halagang ₱5,000, na nagbibigay ng fixed interest sa mga mamumuhunan habang nakatutulong na pondohan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan sa iba’t ibang sektor.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, ang mga malilikom na pondo mula sa RTBs ay maaaring gamitin ng gobyerno upang pondohan ang mga proyekto na mayroong kinalaman sa edukasyon, kalusugan, suporta sa mga negosyo, paglikha ng trabaho, at iba pang programang naglalayong palaguin ang ekonomiya.
“Ginawa po ito ng gobyerno para sa ordinaryong Pilipino, sa empleyado, sa maliliit na negosyante at sa pamilyang gustong palaguin ang kanilang pinaghirapang ipon,” ayon kay Castro sa press briefing sa Malacañang nitong Huwebes.
Aniya, mayroong potensyal na kita mula sa RTBs dahil ito ay mayroong fixed interest rate na 6.875% kada taon para sa 5 years term na mas mataas kumpara sa tradisyonal na time deposit rates.
“Madali lang po ang pag-enroll dito, pwede na po itong gawin sa ating mga mobile banking apps at e-wallets,” — Castro.
Ang subscription period para sa mga RTBs ay tatagal hanggang October 7, habang itinakda naman ang settlement date sa October 12, 2026.