Ebidensiya ang sisigaw kung talagang mayroong anomalya sa Taguig City partikular na sa flood control projects.
Ito ang inihayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa gitna ng mga ibinubunyag ni Senador Panfilo Lacson na umanoy mga iregularidad sa lungsod.
Halimbawa na dito ang sinasabing mga ghost project na una nang sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na wala naman, subalit agad ding nilinaw na wala pang proyektong tiyak at pinal nang napatunayang ghost project sa isinagawang validation.
Ayon kay Castro, may masabi man o wala ukol dito si Secretary Dizon ay ebidensya pa rin ang mangingibabaw kung mayroon talagang katiwalian.
Kaya hindi, aniya, dapat sisihin ang kalihim sa mga nauna na nitong pahayag gayung ebidensiya pa din ang bibigyang bigat kung sadyang may anomalya.