Inaasahan ng House Prosecution na muling tututulan ng depensa ni Vice President Sara Duterte ang testimonya ng AMLC chief at paggamit sa financial records bilang ebidensya sa impeachment trial, ngayong Lunes.
Ayon kay prosecution legal spokesperson Benjamin “Jay” Tolosa Jr., malaya ang depensa na maghain muli ng objection sa testimonya ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura at sa pormal na pag-aalok ng mga dokumento bilang ebidensya.
Iginiit ng depensa noong Huwebes ang confidentiality ng AMLC records at humingi ng dagdag na panahon para masuri ang mga ito.
Pinagbigyan naman ng Senate Impeachment Court ang hiling at inilipat sa Lunes ang testimonya ni Buenaventura.
Ayon kay Presiding Officer Senador Chiz Escudero, rerepasuhin din ng mga senator-judge ang mga probisyon sa confidentiality bago talakayin ang isyu.
Sinabi naman ni Tolosa, na may nauna nang ruling ang impeachment court na nagpapahintulot sa subpoena ng AMLC records, na gagamitin kaugnay ng Article II ng impeachment case laban kay Duterte.
Inaasahang ilalahad ni Buenaventura ang mga summary ng covered at suspicious transaction reports na may kaugnayan kay Duterte, kanyang asawa at ilang kumpanya, kabilang ang mga transaksyon sa remittances, insurance at investments.