Photo courtesy of PRIB/Cesar Tomambo
Ikinabahala nina House Prosecution Adviser Ace Barbers at Prosecution Spokesperson Representative Zia Alonto Adiong ang mga ibinunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV tungkol sa umano’y pagpasok ng pondo mula China sa mga kumpanyang iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang pamilya.
Ayon kay Barbers, “disturbing” ang alegasyon na tinatayang ₱319 milyon mula umano sa Chinese government at China-based corporations ang napunta sa Cale88 Foods Corp., na pagmamay-ari ng asawa ng Bise Presidente na si Atty. Manases Carpio.
Binanggit din ni Barbers ang umano’y ₱150 milyon na napunta naman sa Tapang at Malasakit Foundation, na iniuugnay kay Duterte, at iginiit na kailangang malaman kung saan at para saan ginamit ang naturang pondo.
Tanong tuloy ni Barbers kung ang naturang pera ay kapalit ng pananahimik sa mga isyu sa West Philippine Sea o bahagi ng pagtatangkang impluwensiyahan ang sitwasyong pampulitika sa bansa.
Dagdag niya, kung mapapatunayang ginagamit ng China ang ganitong paraan upang isulong ang geopolitical interests nito sa Pilipinas, dapat itong seryosong imbestigahan.
Suportado rin ni Adiong na maibestigahan ang alegasyon, lalo na kung may posibleng kaugnayan sa foreign interference sa political at electoral landscape ng bansa.
Gayunman, kailangan pa ring ma-corroborate ang mga pahayag ni Trillanes ng mga awtorisadong indibidwal at ahensya.
Sa ngayon, sinabi ni Adiong na nakatuon pa rin ang prosecution sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng mga transaksyon at deklarasyon sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), habang ang pinagmulan ng umano’y Chinese funds ay nangangailangan pa ng karagdagang pagpapatunay.