Pinayagan ng Senate Impeachment Court na tumestigo si Anti-Money Laundering Council Executive Director Atty. Ronel Buenaventura, matapos ibasura ang mosyon ng kampo ni Vice President Sara Duterte na pigilan ang kanyang pagtestigo.
Sa ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero, sinabi ng korte na ang confidentiality provisions sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) ay hindi nangangahulugan na ganap nang immune sa subpoena ang mga AMLC report.
Ayon kay Escudero, nananatiling umiiral ang naging ruling ng Supreme Court sa Republic vs. Sandiganbayan na ang Section 9C ng AMLA ay nagbabawal sa covered persons, kanilang officers at employees na ibunyag ang pagkakaroon o nilalaman ng suspicious transaction reports pero hindi nito direktang pinagbawalan ang AMLC mismo na tumugon sa isang lawful subpoena.
Binigyang-diin din ng korte na ang Section 8A, na idinagdag sa AMLA sa ilalim ng Republic Act No. 11521, ay nagtatakda ng proteksyon sa impormasyong hawak ng AMLC pero hindi nagtatag ng absolute privilege laban sa subpoena.
Dahil dito, maaari aniyang tukuyin, i-authenticate at ipaliwanag ni Buenaventura ang mga report na tinukoy sa subpoena.
Gayunman, sinabi ng korte na hindi nito pinahihintulutan ang unrestricted public disclosure.
Maaari ring isagawa nang in camera, kung kinakailangan, ang ilang bahagi ng testimonya.
May karapatan pa rin aniya ang magkabilang panig na umapela o mag-object sa mga isyu gaya ng authentication, relevance, hearsay, completeness, accuracy, admissibility, at evidentiary weight.