Photo courtesy of Senate of the Philippines
Nanawagan si Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero sa lahat ng sangkot sa impeachment trial na panatilihin ang paggalang, pagiging mahinahon, at pagiging patas sa gitna ng tumitinding tensyon sa mga pagdinig.
Ayon kay Escudero, nauunawaan niyang umiikli na ang pasensya at tumataas ang emosyon ng ilan dahil sa mga kaganapan sa paglilitis.
Gayunman, iginiit niyang hindi dapat mawala sa paningin ng Impeachment Court ang kanilang pangunahing tungkulin—ang patas at maayos na pagdinig at pagdedesisyon sa kaso batay sa mga ebidensya.
Sinabi ni Escudero na hindi dapat ma-distract ang korte ng anumang mga rant o tantrum mula sa loob man o labas ng courtroom.
Hinimok din niya ang mga abogado, partido, testigo, opisyal ng gobyerno, commentators, at observers na panatilihin ang courtesy, civility, fairness, at candor sa isa’t isa.
Binigyang-diin ni Escudero na hindi tungkol sa kanya o sa sinumang indibidwal ang impeachment proceedings, kundi tungkol sa bansa, mamamayan, accountability, justice, at fairness.
Aniya, maaaring maging matindi ang mga argumento at kritisismo, ngunit hindi dapat maging personal o makasira sa dignidad ng sinuman.