Isinusulong ni Senator JV Ejercito ang pagdodoble sa buwanang social pension ng indigent senior citizens para maging ₱2,000 mula sa kasalukuyang ₱1,000.
Sa Senate Bill 2522, nais ni Ejercito na amyendahan ang Republic Act 11916, dahil aniya hindi na sapat ang ₱1,000 para sa pagkain, maintenance medicines, healthcare, utilities at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga senior citizen.
Sa ilalim ng panukala, palalawakin din ang saklaw na indigent senior citizens para maisama ang mga walang pension o permanenteng kita, gayundin ang mga tumatanggap ng pension, compensation o financial assistance na hindi lalampas sa ₱10,000 kada buwan, batay sa pagtukoy ng DSWD.
Aalisin din ang requirement na kailangang “frail, sickly or with disability” ang senior citizen para maging kwalipikado sa social pension.
Aatasan naman ang DSWD, sa pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM), na suriin at kung kinakailangan ay i-adjust ang social pension kada dalawang taon, batay sa inflation, poverty threshold, cost of living, at iba pang economic indicators.