Sinuportahan ni House Lead Prosecutor Gerville Luistro ang naging pahayag at posisyon ni Senador Kiko Pangilinan na iakyat na lamang sa Supreme Court ang objection ng depensa sa confidentiality ng AMLC records.
Ginawa ni Luistro ang pahayag kasunod ng mainit na pagtatalo ng magkabilang panig sa Day 33 ng paglilitis.
Ayon kay Luistro, sumasang-ayon siya sa paninindigan ni Senador Pangilinan ukol sa legal na posisyon sa mga pagtutol ng depensa.
Binigyang-diin ng mambabatas na kung ang depensa ay may mga seryosong alalahanin o pagdududa sa admissibility o pagiging confidential ng mga rekord, hindi ito dapat ipilit o paulit-ulit na igiit sa mismong Impeachment Court.
Sa halip, mas nararapat na iakyat nila ito sa Supreme Court upang doon pormal na desisyunan.
Ginamit din ni Luistro ang argumento ni Pangilinan upang patunayang ang patuloy na pagkuwestiyon ng depensa sa isyu ng kumpidensyalidad ay tila nagsisilbi nang “banta” at tahasang pagtatangka na pigilan ang paglalantad ng financial transactions ni VP Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Mans Carpio.
