Sa gitna ng pangamba sa patuloy na banta at epekto ng very strong El Niño, marami sa mga Pilipino ang nagtatarantang mag-imbak ng bottled water. Subalit, nagpaalala ang mga eksperto sa kemika na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan ang sobrang pag-iimbak nito kapag hindi tama ang pagtatago.
Ayon sa mga eksperto, hindi mismo ang tubig ang nag-e-expire kundi ang plastic bottle na pinaglalagyan nito. Karamihan kasi sa mga nabibiling bottled water sa merkado ay gawa sa uri ng plastic na kung tawagin ay PET (polyethylene terephthalate).
Paliwanag ng eksperto, kapag ang mga plastic bottle na ito ay naiwan sa mainit na lugar—tulad ng loob ng sasakyan o bodega—o kaya ay nakatambak nang napakahabang panahon, nangyayari ang tinatawag na “plastic leaching”. Sa prosesong ito, ang mga kemikal mula sa plastic ay unti-unting humahalo sa tubig na iniinom.
Panganib sa Kalusugan at Payo sa Publiko
Mabilis kumawala ang mga kemikal tulad ng antimony at phthalates kapag naiinitan, nagagaskasan, o nayuyupi ang bote. Ang mga kemikal na ito ay maituturing na endocrine disruptors na maaaring magdulot ng hormone imbalance at iba pang usaping pangkasustansya at pangkalusugan.
Dahil dito, idiniin ng eksperto na lalong delikado ang hindi tamang pagtatago ng tubig ngayong panahon ng matinding init.
Payo ng eksperto sa publiko, ‘wag mag-imbak ng masyadong maraming bottled water kung walang maayos, malamig, at madilim na imbakan. Bukod sa maaari lamang masayang ang pera sa mga tubig na hindi na ligtas inumin, mas makabubuting magtabi lamang ng sapat na stock na kayang maiimbak nang maayos upang matiyak ang kaligtasan ng pamilya.