Iginiit ni House lead prosecutor Gerville Luistro na walang nilabag na Anti-Money Laundering Act (AMLA) ang Kamara nang mag-isyu ito ng subpoena at talakayin ang AMLC records kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, bahagi ng constitutional mandate ng Kamara ang pagsasagawa ng clarificatory hearing at paghingi ng AMLC records sa proseso ng impeachment.
Ito ang pahayag niya matapos tumestigo sa Senate impeachment court si AMLC Executive Director Ronel Buenaventura tungkol sa mga financial transaction na kinasasangkutan ng bise presidente, kanyang asawa, at mga kumpanyang may interes sila.
Sa cross-examination, paulit-ulit na kinuwestiyon ng depensa ang confidentiality ng AMLC records at ang posibleng criminal liability sa hindi awtorisadong pagbubunyag nito.
“Kami po’y naninindigan: walang nilabag na batas, either the Anti-Money Laundering Act, noong nag-conduct kami ng clarificatory hearing, noong nag-issue kami ng subpoena kaugnay ng AMLC records,” diin ni Luistro.
Sinabi ni Luistro, na maaaring magkaroon ng chilling effect sa mga mamamahayag ang pagbanggit sa posibleng pananagutang kriminal kaugnay ng pagbubunyag ng impormasyon mula sa AMLC.
Binigyang-diin niya na ang coverage ng media sa impeachment trial ay bahagi ng malayang pagpapalaganap ng impormasyon sa isang usaping may public interest.
Dagdag ni Luistro, nakapagpasya na ang impeachment court sa usapin ng confidentiality at kung may pagtutol sa ruling, dapat itong idulog sa Supreme Court.