Hinimok ng Department of Health ang publiko na gamitin ang National Emergency Hotline 911 sakaling kailanganin ang emergency care sa gitna ng epekto ng very strong El Niño sa kalusugan.
Pangunahing alalahanin ang heat exhaustion, kung saan makararanas ng panghihina, matinding pagkapagod, pagkahilo, pamumulikat ng kalamnan, pagsusuka o pagduduwal at matinding pagpapawis.
Maaari ring mauwi ang heat exhaustion sa heat stroke, isang nakamamatay na medical emergency kung saan posibleng mawalan ng malay, magkaroon ng mapanganib na high body temperature, mahirapan sa paghinga, makaranas ng pagkalito, pagkautal at kombulsyon.
Inirerekomenda ng DOH ang pagsusuot ng magagaan, maluluwag at light-colored na damit, gayundin ang madalas na pag-inom ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw.
Dapat ding limitahan ang mabibigat na gawain sa mga oras na tirik ang araw.
Sakaling makita ang anumang senyales ng heat stroke, maaaring tumawag sa 911 o di kaya’y dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na pagamutan.