Nanawagan si Senador Bong Go ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tiyaking malinaw at madaling maunawaan ang mga bagong patakaran sa premium contribution ng mga persons with disabilities (PWD) para mapakinabangan ito ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Pinunto ng senador na sa ilalim ng PhilHealth Circular No. 2026-0017, otomatikong saklaw ng National Health Insurance Program ang mga Pilipinong PWD na nakatala sa opisyal na PWD Registry, alinsunod sa Republic Act No. 11228.
Ayon kay Go, dapat malinaw sa mga benepisyaryo ang mga kinakailangan at proseso ng pagpaparehistro para hindi mahirapang makuha ang kanilang mga benepisyo.
Sa ilalim ng bagong patakaran, sasagutin ng national government ang buong premium ng mga kwalipikadong PWD na indirect contributors.
Habang para naman sa mga empleyadong PWD, paghahatian ng employer at gobyerno ang premium contribution.
Hinikayat din ng senador ang PhilHealth, mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya na palakasin ang information campaign hanggang barangay level para malaman ng mga PWD at kanilang pamilya kung paano makikinabang sa programa.